Home NATIONWIDE DOLE dumepensa sa P40 NCR wage hike

DOLE dumepensa sa P40 NCR wage hike

MANILA, Philippines- Dumepensa ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng P40 daily minimum wage hike sa Metro Manila.

Ayon sa DOLE, isinaalang-alang nito ang kapasidad ng mga employer, partikular na ang maliliit na negosyo, para matustusan ang pagtaas.

Sinabi ni DOLE National Wages and Productivity Commission executive director Criselda Sy na habang nirerespeto nila ang sentimyento ng labor groups na nagsasabing hindi sapat ang pagtaas, mayroon pa aniyang ibang kadahilanan bukod sa mga pangangailangan ng mga manggagawa na kailangang suriin bago maibigay ng gobyerno ang kanilang pakiusap.

“Isa sa sa mga criteria for minimum wage determination ‘yung needs of workers and their families. ‘Yung concern nila na demand for living wage, isa rin ‘yun sa mga tinitignan natin. Subalit, kailangan natin itong i-exercise relative din sa kakayahan ng employers na makapagbigay ng dagdag na sahod at ‘yung overall condition ng ating economic development,” pahayag ni Sy sa.

Itinaas noong nakaraang buwan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng Metro Manila ang daily minimum wage para sa mga manggagawa sa non-agriculture at agriculture sector sa rehiyon ng P40.

Gayunman, nangatwiran ang Federation of Free Workers na ang pagtaas ay “malaki ang kulang sa mahigit P100 na pagbawi sa sahod” na inaasahan, kung isasaalang-alang ang pagtaas ng halaga ng pamumuhay sa National Capital Region (NCR).

Sinabi ni Sy na habang nais ng DOLE na magkaroon ng mas mataas na kita para sa lahat ng Pilipino, hindi ito madaling desisyon para sa RTWPB.

Ayon kay Sy, napakahirap para sa regional boards na timbangin ang lahat ng ito at balansehin kung ano man ang sa tingin ng iba ay nararapat na kahit paano ay matugunan ang kahilingan ng mga manggagawa, lalo na ang minimum wage earners na magkaroon sila ng wage increase.

Aniya apat na rehiyon ang kasalukuyang naghihintay sa kanilang wage hike petitions sa ilalim ng pag-aaral ng iba’t ibang RTWPBs. Jocelyn Tabangcura-Domenden