Home METRO Lolong nagduduyan inundayan ng 21 saksak, patay!

Lolong nagduduyan inundayan ng 21 saksak, patay!

JONES, ISABELA- Halos 21 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng isang lolo na nagpapahinga habang nasa duyan sa kanyang kubo sa Barangay Fugu, Jones, Isabela.

Halos naliligo na sa sariling dugo ang biktimang si Diosdado Buenafe, 65-anyos na residente rin sa nabanggit na lugar dahil sa mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Dakong alas-9 ng umaga nang makitang wala ng buhay ang biktima habang nasa duyan.

Palaisipan ngayon sa pamilya at kamag-anak ng biktima na hindi ito nagpakamatay dahil sa dami ng saksak na natamo nito sa kanyang katawan.

Naniniwala ang pamilya na may ‘foul play’ sa pagkamatay ng biktima dahil naabutan na lamang ito sa kanyang tinitirhang kubo na nasa duyan at tadtad ng 21 saksak sa katawan.

Wala naman umanong alam ang pamilya na may nakaaway ang biktima na posibleng dahilan ng pagpatay.

Sa ngayon ay nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya para matukoy kung sino ang nasa likod ng naturang krimen. Rey Velasco