Home OPINION DOLE, NAKIBAHAGI SA “LIBRENG SAKAY” NG DOTr PARA SA MGA MANGGAGAWA

DOLE, NAKIBAHAGI SA “LIBRENG SAKAY” NG DOTr PARA SA MGA MANGGAGAWA

1
0

MAYNILA — Bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin, inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang libreng serbisyo sa bus upang makatulong sa pagpapagaan ng araw-araw na gastusin sa transportasyon ng mga manggagawa at iba pang commuter.

Ayon kay DOLE Acting Secretary Francis Tolentino, isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan sa “Libreng Sakay” Program ng Department of Transportation (DOTr), na opisyal na nagsimulang ipatupad nitong Hulyo 20, 2026.

Sa kasalukuyan, libreng makakasakay ang mga commuter sa rutang Lawton hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) via Taft Avenue tuwing Lunes hanggang Biyernes (weekdays), maliban sa mga opisyal na holiday. Ang biyahe mula Lawton ay umaalis ng 7:30 ng umaga, habang ang pabalik na biyahe naman mula PITX ay nakatakda sa ganap na 9:00 ng umaga.

Binigyang-diin ni Acting Secretary Tolentino na layunin ng inisyatibang ito na magbigay ng agarang ginhawa at relief sa mga manggagawang araw-araw na naaapektuhan ng mataas na pamasahe.

Bukod sa kasalukuyang ruta, pinag-aaralan na rin ng DOLE ang pagpapalawak ng saklaw ng libreng transportasyon sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang transport groups. Alinsunod dito, inihayag din ng kalihim na nalagdaan na ang kasunduan para sa panibagong ruta ng Libreng Sakay na bibiyahe naman saitan ng Marikina at Cainta, Rizal.

Inalala rin ng kalihim na dati nang naging katuwang ng kagawaran ang sektor ng transportasyon sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program, na nagkaloob ng pansamantalang kabuhayan sa mga apektadong tsuper at iba pang manggagawa.

Samantala, nagpapatupad na rin ang DOLE ng sariling shuttle service para sa mga empleyado ng kagawaran na bumibiyahe sa pagitan ng Maynila at Trece Martires City, Cavite upang mapadali ang kanilang pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho.

Sa kabuuan, umaasa ang DOLE na sa pamamagitan ng mga programang ito ay mabawasan ang pang-araw-araw na pasanin ng mga manggagawa. Hinihikayat din ng kagawaran ang publiko na patuloy na makiisa sa mga inisyatiba ng pamahalaan na naglalayong mapagaan ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here