
NANANATILI ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pangunguna sa paglaban sa child labor sa Pilipinas sa pamamagitan ng programa nitong Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP).
Kasama ang mga katuwang nito sa pamahalaan, non-government sector, at private stakeholder, inilunsad ng DOLE, sa pamamagitan ng Bureau of Workers with Special Concerns at regional office nito, ang child labor information caravan na naglalayong protektahan ang mga karapatan ng mga bata, iangat ang kabuhayan ng mga mahihirap na pamilya, at bigyan sila ng kinakailangang suporta upang malampasan ang mga hamon ng child labor.
Noong ika-13 ng Pebrero, iginawad ng DOLE Nueva Vizcaya ang P450,500 halaga ng livelihood kits sa 10 magulang ng mga child laborer, na nagtapos ng pagsasanay sa entrepreneurship, productivity, and safety upang matiyak na magtatagumpay ang kanilang mga negosyo.
Sa NCR, naglunsad ang DOLE-National Capital Region, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, ng kanilang unang information caravan sa QCX Museum sa Quezon City Memorial Circle. Itinampok ang mga pagsisikap ng pamahalaan na labanan ang child labor sa pamamagitan ng edukasyon, pagbibigay ng serbisyo, at pakikipagtulungan ng stakeholder.
Namahagi naman ang DOLE Region 3, kasama ang Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte at private partners, ng mga produkto at serbisyo sa 43 child laborers sa ilalim ng Project Angel Tree, kabilang ang serbisyong-medikal, pagsasanay, at tulong-pangkabuhayan para sa kanilang mga magulang. Lumagda rin ang mga stakeholder sa isang Pledge of Commitment para sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng PPACL.
Nauna rito, inilunsad ng DOLE Bicol noong Enero 6, 2025 ang proyektong “DOLE Tree of Love” upang suportahan ang mga child laborer at mga komunidad sa Catanduanes na nasalanta ng bagyo. Tumanggap ang mga benepisyaryo ng food packs at iba pang relief goods sa ilalim ng inisyatibang ito. Sa Malinao, Albay, sa ginanap na seremonya ng paggawad ng 2024 DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), ipinamahagi ng DOLE Bicol ang P3.75 milyong halaga ng livelihood kits, kabilang ang barber tools, pedicab, at mga Negokart, sa 129 magulang ng child laborers at manggagawa. Layunin ng pamamahagi ng mga Negokart na makapagsimula o palawakin ang maliit na negosyo ng mga benepisyaryo tulad ng pagtitinda ng pagkain, upang maiangat ang kabuhayan ng kanilang pamilya.
Ipinagdiwang naman ng DOLE Region 8 ang unang anibersaryo ng ratipikasyon ng Pilipinas sa ILO Convention No. 190 sa pamamagitan ng information and service caravan sa Northern Samar. Nakinabang ang 130 kalahok na tumanggap ng gamit sa pag-aaral, grocery packs, at serbisyo mula sa pamahalaan, kabilang ang pagde-demo sa paggawa ng malunggay noodles na pinangasiwaan ng TESDA.
Samantala, nagsagawa ang DOLE Region 12 ng caravan sa General Santos City para sa kapakinabangan ng 190 child laborers at kanilang mga magulang.
Binigyan ang mga kalahok ng P450,500 halaga ng tulong-pangkabuhayan at libreng medical at dental check-up. Tumanggap din sila ng mga serbisyo mula sa TESDA, SSS, PhilHealth, PSA, at DSWD.
Nitong Pebrero 25, 2025, may kabuuang 4,301 indibiduwal ang tumanggap ng kabuuang P12.9 milyon halaga ng tulong-pangkabuhayan sa 415 magu
lang ng 1,180 child laborers na nabigyan ng school supplies, food packs, hygiene kits, laruan, at cash assistance sa ilalim ng Project Angel Tree.
Ipinapakita ng mga pagsisikap na ito ang matibay na pangako ng DOLE na wakasan ang child labor at pagpapaunlad ng ligtas, mapagkalingang kapaligiran para sa mga batang Pilipino at kanilang mga pamilya.