MANILA, Philippines – Sa nakaambang pagtataas ng terminal fee sa Ninoy Aquino International Airport sa susunod na buwan, hiniling ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) party-list sa Department of Transportation (DOTr) na pigilan ito at sa halip ay gawing prayoridad ang pagpapababa sa presyo ng pamasahe.
Ito ay kasunod ng pagdepensa ni Transport Secretary Vince Dizon sa pagtataas sa terminal fee sa pagsasabing ito ay bahagi ng concession agreement sa New NAIA Infra Corp.
Sa pahayag nitong Sabado, Agosto 23, sinabi ng Trade Union Congress of the Philippines na dapat siguruhin ni Dizon na bubuti ang mga serbisyo sa NAIA at magiging mas efficient ito bago payagan ang pagtataas ng terminal fee.
Ani TUCP party-list Rep. Raymond Mendoza, maraming Filipino ang hirap ang buhay at karapat-dapat na hakbang sana ay ang pagpapababa sa mga bayarin at pamasahe.
Inaasahang tataas ang terminal fee sa NAIA sa Setyembre 14, eksaktong isang taon mula nang mapunta sa NNIC ang operasyon ng paliparan.
Para sa mga paalis na international flights, ang terminal fee ay aakyat sa P950 mula P550, habang ang domestic flight terminal fee ay halos dumoble sa P390 mula sa P200 kada pasahero. RNT/JGC