MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Lunes ang ulat ng “malawakang pagsira at pakikialam” sa mga opisyal na rekord ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na tinawag nilang “tahasang pagsira sa transparency ng pamahalaan.”
Ayon kay ICI chair retired Justice Andres Reyes Jr., ang lahat ng public works records ay ari-arian ng gobyerno at sinumang manira o magpalsipika nito ay may katapat na administrative at criminal liability.
“Any attempt to destroy, falsify, or conceal them is a grave offense,” aniya.
Itinatag ang ICI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos niyang ibunyag sa SONA ang mga iregularidad sa flood control contracts. Mandato nitong suriin ang mga proyekto sa nakaraang 10 taon, kabilang ang ghost projects, cost overruns, at sabwatan ng mga kontratista at opisyal.
Umapela rin ang ICI sa mga opisyal ng DPWH na ingatan ang lahat ng rekord at makipagtulungan sa imbestigasyon.
“The ICI remains steadfast in its mandate to uncover the truth and hold those responsible accountable,” dagdag ni Reyes. RNT