MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Public Works Secretary Vince Dizon nitong Huwebes na tinanggap niya ang courtesy resignation ni Undersecretary Maria Catalina Cabral, na sangkot sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Ayon kay Dizon, nagpabatid si Cabral na nagbitiw na siya at humiling na huwag nang dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ngunit giit ni Dizon, bilang pribadong mamamayan ay obligado pa rin siyang dumalo kung ipapatawag ng komite.
Iginiit nina Senador Rodante Marcoleta at Panfilo Lacson na hindi makakaiwas sa pananagutan si Cabral kahit nag-resign na. Agad namang inaprubahan ang mosyon na ipatawag siya sa pamamagitan ng subpoena, na sinang-ayunan ni Senador Erwin Tulfo.
Tiniyak ni Dizon na magpapatuloy ang internal investigation ng DPWH sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Nauna nang kinumpirma ni Cabral ang ₱51 bilyong halaga ng proyekto sa Davao City noong huling tatlong taon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inakusahan din siyang nagtangkang magpasok ng insertion sa 2026 budget, bagay na kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III. RNT