MANILA, Philippines – Nanawagan si dating Speaker Martin Romualdez sa mga Pilipino na huwag mawalan ng tiwala sa demokrasya matapos siyang magbitiw bilang lider ng Kamara nitong Miyerkoles, at iginiit na kayang magsagawa ng “self-correction at renewal” ang mga institusyon.
“I step down not in surrender, but in service — for sometimes, the greatest act of leadership is the grace to let go,” ani Romualdez sa kanyang pamamaalam. Idinagdag niyang ang kanyang pagbibitiw ay magbibigay daan sa Independent Commission on Infrastructure upang ituloy ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects “without doubt, without interference, and without undue influence.”
Pinalitan siya ni Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III sa botong 253-28. Ayon kay Romualdez, tugon ang kanyang desisyon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pananagutan ay para sa lahat.
Mariin din niyang itinanggi ang mga paratang ng mag-asawang kontratista na tumanggap siya ng kickback mula sa flood control projects, na tinawag niyang “false, malicious, and nothing more than name-dropping.” RNT