MANILA, Philippines – Opisyal nang nag-withdraw si Dr.Willie Ong sa kanyang Senate bid para sa 2025 national elections sa Mayo.
Sa pamamagitan ng kanyang maybahay na si Doc. Liza Ong, isinumite ang kanyang statement of withdrawal nitong Biyernes ng umaga, Pebrero 21 sa tanggapan ng Commission on Elections sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila.
Sa kanyang Facebook post noong Pebrero 13, inanunsyo ni Ong na aatras na ito sa kanyang kandidatura at tututok na lamang sa kanyang kalusugan.
Sa kabila nito, sinabi ni Ong na patuloy pa rin siyang susuporta sa good governance at mga kandidato na nagtataguyod ng kaparehong ideyal gaya sa kanya.
Si Ong na ang ikaapat na senatorial candidate na umatras sa kanyang kandidatura para sa May 12, 2025 elections.
Nauna ng sinabi ni Comelec chairman George Garcia na makakasama pa rin ang pangalan ni Ong sa balota ngunit ituturing na lamang na stray votes o hindi na bibilangin ang mga papasok na boto para sa kanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden