Home NATIONWIDE Drayber, konduktor sapilitang sasailalim sa road safety training sa pagrenew ng prangkisa...

Drayber, konduktor sapilitang sasailalim sa road safety training sa pagrenew ng prangkisa – LTFRB

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na lahat ng driver at konduktor ng pampublikong sasakyan (PUV) ay kailangang sumailalim sa mandatoryong pagsasanay sa road safety bilang bahagi ng renewal ng kanilang prangkisa.

Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz III, layunin ng pagsasanay na bawasan ang mga aksidente sa kalsada at tiyakin ang kaalaman ng mga driver sa batas-trapiko. Magsisimula ang pilot phase sa Mayo para sa mga bus at truck drivers sa Metro Manila at palalawakin sa ibang metropolitan areas pagkalipas ng tatlong buwan. Susunod na isasama ang UV Express, jeepney, motorcycle taxi, at TNVS.

Magkakaroon ng Driver’s and Conductor’s Academy Program (DCAP) na mag-aakredito ng mga driving school para sa pagsasanay. Ang kursong nagkakahalaga ng PHP2,000 ay kailangang kumpletuhin sa loob ng dalawa hanggang walong araw. Ang pagsasanay ay para lamang sa mga driver at konduktor na may valid na Certificate of Public Convenience (CPC), Provisional Authority (PA), o Special Permit (SP).

Ang sertipiko ng pagkumpleto ay direktang ipapadala ng accredited driving schools sa LTFRB para matiyak na tanging certified drivers lamang ang kukunin ng mga PUV operators. Tiniyak ni Guadiz na magpapabuti ito sa kalidad ng serbisyo ng mga pampublikong sasakyan. Santi Celario