Home HOME BANNER STORY Presensya ng politiko, campaign materials ban sa pamamahagi ng AKAP

Presensya ng politiko, campaign materials ban sa pamamahagi ng AKAP

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbabawal sa presensya ng mga politiko at kanilang campaign materials sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Ayon sa guidelines ng AKAP, layunin ng DSWD na maiwasan ang paggamit ng kanilang programa at pondo para sa personal o pampulitikang interes. Ipinagbabawal ang paglalagay ng anumang poster, banner, o materyales na may kaugnayan sa mga politiko sa aktuwal na pamamahagi ng ayuda.

Ang AKAP ay isang social protection program na nagbibigay ng ayuda tulad ng cash, pagkain, medikal, libing, at bigas sa mga indibidwal na hindi kabilang sa pinakamahirap na sektor ngunit walang regular na access sa tulong.

Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga manggagawa sa pormal at impormal na sektor na kumikita ng mas mababa sa minimum wage at mga self-employed na indibidwal. Kailangang magpakita ng national ID o anumang government-issued ID sa pagkuha ng ayuda. Kapag walang valid ID, kinakailangan ang written justification at larawan na kukunin ng DSWD social worker.

Sinusuri ng Commission on Elections (Comelec) ang AKAP guidelines upang matiyak ang patas na distribusyon ng PHP882-milyong pondo na hiniling ng DSWD na ma-exempt sa spending ban bago ang halalan sa Mayo.

Binigyang-diin ni Comelec Chair George Erwin Garcia ang kahalagahan ng pagpapanatili ng programang ito na malaya sa anumang political influence at pangangampanya. Santi Celario