Home NATIONWIDE Drayber sa ‘gas-and-run’ incident haharap sa estafa, pagbawi ng lisensya

Drayber sa ‘gas-and-run’ incident haharap sa estafa, pagbawi ng lisensya

62
0
via QCPD

MANILA, Philippines – Sumuko na sa mga awtoridad ang drayber ng ikatlong “gas-and-run” incident sa Quezon City.

Sa kabila nito ay nahaharap ang lalaki sa reklamong estafa at posibilidad na mabawi ang kanyang lisensya.

Nitong Huwebes, Mayo 7 ay kinumpirma ni Quezon City Police District (QCPD) spokesperson Maj. Jennifer Gannaban na sumuko na ang 39-anyos na drayber ng grayish-blue Toyota Vios, na tinukoy ng pulisya na si alyas “Michael.”

Inakusahan ito na tumakas sa gasolinahan matapos makapagpakarga ng P1,500 halaga ng gasolina 3:16 ng madaling araw noong Mayo 3 sa isang gasolinahan sa Mindanao Avenue.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño na si Michael ay sasampahan pa rin ng reklamong estafa kahit na humingi na ito ng tawad sa attendant ng gasolinahan at nagbayad na ng P1,500.

Ani Tuaño, sinabi umano ni Michael na akala niya ay naibigay na niya ang kanyang credit card sa attendant.

Ayon pa sa suspek, kausap umano nito ang asawa sa cellphone nang mangyari ang insidente at magka-away dahil nais na nitong pauwiin ang lalaki.

Itinanggi naman ng attendant na iniabot ng suspek ang kanyang credit card.

Nauna nang sinabi ng QCPD na ang sasakyan ay na-trace sa isang residente ng Nueva Ecija na kinilala sa alyas na “Jherosalyn.”

Ani Tuaño, nang magtungo ang mga pulis sa registered address ng may-ari, tanging ang anak lamang ni Jherosalyn ang naroon at alam nilang ang asawang si Michael ay nagmamaneho ng naturang sasakyan nang mangyari ang insidente.

Napag-alaman din na ang kaparehong sasakyan ay nakitang lumalabag sa batas-trapiko noong Oktubre batay sa video na naipost sa social media bagamat hindi pa tukoy kung si Michael din ba ang nagmamaneho nang mga oras na iyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here