VATICAN – Umalis si US Secretary of State Marco Rubio mula sa Vatican nitong Huwebes, Mayo 7 matapos ang isang mahaba at sensitibong pagpupulong kay Pope Leo.
Naganap ang pulong sa gitna ng tensyon dulot ng mga paulit-ulit na kritisismo ni Pangulong Donald Trump laban sa Santo Papa kaugnay ng gyera sa Iran.
Tumagal ng dalawa at kalahating oras ang pagpupulong ni Rubio sa Vatican, kabilang ang pakikipag-usap kay Pope Leo at mga senior Vatican officials tulad ni Cardinal Pietro Parolin.
Si Pope Leo, ang kauna-unahang Amerikanong Santo Papa, ay naging kritiko ng US-Israeli war sa Iran at mga anti-immigration policies ng administrasyong Trump, na nag-udyok kay Trump na paulit-ulit siyang batikusin.
Sa kabila nito, ipinahayag ng Santo Papa na patuloy niyang ipapakalat ang mensahe ng kapayapaan ng Kristiyanismo at mariing tinutulan ang nuclear weapons, alinsunod sa aral ng Simbahang Katoliko.
Samantala, sinabi ni Polish Prime Minister Donald Tusk, na nakipagkita rin kay Leo noong araw na iyon, na ang kanilang talakayan ay nakatuon sa pagpapalakas ng pandaigdigang kooperasyon at pagbibigay ng pag-asa sa mundo.
Ayon sa US ambassador sa Holy See, ang pag-uusap nina Rubio at Leo ay inaasahang magiging “prangka.”
Si Rubio, na isa ring Katoliko, ay mananatili sa Roma ng dalawang araw at makikipagkita rin sa Italian Prime Minister Giorgia Meloni, na sumuporta kay Leo laban sa mga batikos ni Trump. Jocelyn Tabangcura-Domenden