Home METRO Driver ng gunman na pumatay sa security escort ni Mayor Isko boluntaryong...

Driver ng gunman na pumatay sa security escort ni Mayor Isko boluntaryong sumuko

186
0

MANILA, Philippines – Boluntaryong sumuko ang driver ng motorsiklo na sinakyan ng gunman at pumatay sa retiradong pulis Maynila na si George Capistrano na security escort ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa Tondo, Maynila.

Ito ay matapos maglabas ng 48 oras na ultimatum ang alkalde at mag-alok ng halahating milyong reward sa mga makakapagbigay impormasyon para sa ikakadakip ng suspek.

Nagpasalamat naman ang alkalde sa sumuko ng suspek sa mga impormasyon na ibinigay nito sa lokal na pamahalaan lungsod at sa Manila Police District (MPD).

Sa kanyang “Talk to the People” broadcast, ipinakita ni Yorme ang suspek na ngayon ay nagbibigay na ng mahahalagang impormasyon laban sa iba pang kasabwat.

“Ngayon, as you can see, meron na po tayong development. Sumuko na po ‘yung isa sa mga suspect, at nagbibigay na siya ng mahalagang impormasyon para matukoy ang iba pang sangkot sa krimen,” ani Domagoso.

“We are halfway of giving justice to the victims, at sisikapin naming mahanap pa ang iba pang miyembro ng grupong ito para tuluyan nang maresolba ang kaso,” dagdag pa ni Yorme.

Kinilala ang gunman na si Albert Magdaraog na ngayon ay patuloy na nagtatago sa batas.

“Doon sa Albert Magdaraog at sa iba pang kasama niya—lapit ka na, lapit ka nang mahuli—dahil tuloy-tuloy ang aming operasyon para kayo ay mapanagot sa batas,” ani Domagoso.

Dagdag pa ng alkalde, hindi titigil ang pamahalaang lungsod hangga’t hindi napapanagot ang lahat ng sangkot.

“Rest assured, we will not stop. Kung ginawa niyo ito sa Maynila, hahalughugin namin ang buong bansa,” giit ni Yorme.

Ayon sa driver na si Leegem Bulalacao alyas Biboy, isinama lamang siya ng grupo ng suspek na si Albert Magdaraog at hindi niya alam na papatay ng kanilang hoholdapin.

“Hindi ko naman po alam na papatay siya kung alam ko lang hindi sana ako sumama sa kanya”, ito ang naging sagot ni Biboy ng tanungin ni Mayor Isko bakit sila pumatay ng mabuting pulis.

Nang makausap naman si retired SPO2 Bernie Espinosa na dati ring pulis Maynila at nakatalaga sa SWAT, sinabi niya na magkakilala sila ni Biboy at ipinagtanong-tanong niya kung kumpirmadong isa siya sa pumatay kay Capistrano.

Nang makumpirma nakipag-ugnayan ito kay Biboy kung saan nagsabi ito na kusa siyang susuko sa kaniya.

Ayon kay Espinosa agad niyang pinuntahan sa Pampanga ang suspek dahil ayaw niyang sumuko sa ibang operatiba.

Nagpasalamat naman si Mayor Isko kay Espinosa dahil nahikayat nitong sumuko si Biboy para makapagbigay ng iba pang detalye at impormasyon sa gunman na patuloy na tinutugis ng awtoridad.

Aniya isang malaking tulong ang maibibigay na kooperasyon ngayon ni Biboy para sa mga susunod pang mga update at paglutas sa kaso at pagbibigay hustisya kay Capistrano.

Si Capistrano, 56, ay pinaslang bandang hatinggabi ng Marso 15 sa kanto ng Salonga at Buendia Streets sa Tondo. Isinugod pa siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek. JAY Reyes / Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here