LA UNION-Isang pinaghihinalaang drug den ang nalansag sa bayan ng Bacnotan ng lalawigang ito matapos na salakayin ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng mga PNP personnel kahapon ng umaga, Oktubre 14.
Ayon kay Regional Director Joel B. Plaza ng PDEA Regional Office 1, arestado sa naturang raid ang itinuturong drugden maintainer na isang 39-anyos na lalaki; isang 63-anyos na barangay tanod na drug den employee; at isang 25-anyos na lalaki na bisita sa naturang drug den.
Bandang 6:00 ng umaga nang maaresto ang mga suspek matapos silang salakayin ng mga operatiba ng PDEA-RSET, PDEA La Union Provincial Office (PDEA LUPO), PDEA RO I Seaport Interdiction Unit (PDEA-SIU), La Union Police Provincial Office-Provincial Drug Enforcement Unit (LUPPO-PDEU), at LUPPO-1st La Union Provincial Mobile Force Company (LUPPO 1st LUPMFC) sa bisa ng isang search warrant.
Sa naturang operasyon ay nakakumpiska ang mga law enforcer ng 12 na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng crystalline substance na hinihinalang shabu.
Tinatayang tumitimbang ng 30 gramo ang mga nakuhang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P150,000.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakakumpiska rin ang grupo ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang marijuana dried leaves na tinatayang tumitimbang ng 1 gramo na nagkakahalaga ng P1,500 at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang marijuana seeds na tumitimbang naman ng humigit-kumulang sa 2 gramo na nagkakahalaga ng P500.
May mga nakuha rin ang mga awtoridad na non-drug evidence mula sa naturang drug den.
Kasong paglabag sa Section 6 (Maintenance of a Drug Den), Section 7 (Drug Den Employee and Visitor), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II of RA 9165, or The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kahararapin ng mga suspek na nakakulong ngayon sa PDEA RO I detention facility sa Camp Diego Silang, Carlatan, San Fernando City, La Union. Rolando S. Gamoso