SA public transport sector, walang lusot sa mahigpit na drug test na ipinapataw ng Department of Transportation sa lahat ng drayber at konduktor, ayon mismo sa direktiba ng Pangulo.
Walang reklamo, walang palusot. Kung magpositibo—suspinde ang lisensya, at pati prangkisa ng operator ay nanganganib. Bakit? Dahil kailangang tiyakin ang kaligtasan ng pasahero. Tama naman. Walang kumokontra.
Pero heto ang malinaw na tanong,”Kung ang drayber ng jeep, bus, taxi, o UV Express ay kailangang patunayan na hindi sila adik bago hawakan ang manibela, bakit ang Pangulo—na “nagmamaneho” sa buong bansa—ay hindi maaaring hilingan ng parehong pagsusuri?
Bakit kapag ordinaryong mamamayan, walang karapatang tumanggi pero kapag Pangulo, biglang “hindi dapat i-dignify”, “walang basehan sa batas”, “political attack lang”? Hindi ba’t ang direktiba mismo ng Pangulo ang nagsasabing “ang ayaw magpa-drug test ay posibleng may tinatago”?
Kung ang drayber ay hindi pwedeng magsabi ng “Hindi ako magpapa-drug test dahil matino naman akong magmaneho”—bakit pwede ang Pangulo? Maaari rin bang gamitin ng jeepney driver ang depensang “Matalino naman ako, at maayos akong magmaneho kaya exempted ako”? Siyempre hindi.
Araw-araw, libo-libong drayber ang sumusunod dahil iyon ang utos. Hindi sila pwedeng tumanggi. At tuwing Christmas season, inaasahan na naman ang malawakang drug test operations sa mga terminal at kalsada. Utos ng Pangulo. Pero kapag siya na ang hinihingan, biglang may ibang standards?
Ligtas na biyahe ang dahilan sa drug test ng PUV drivers. Dapat ganoon din sa liderato ng bansa – ligtas na pamamahala. Kung may kapangyarihang magdikta ng polisiya, maglakad ng bilyon-bilyong budget, magdeklara ng emergency powers, at magtalaga ng military at police appointments, hindi ba mas may dahilan para tiyakin na nasa matinong kondisyon siya?
Hindi ito insulto. Hindi ito pang-iintriga. Ito’y simpleng lohika: Kung ang pinakamaliit na manibela ay kailangan ng drug test, lalo na ang pinakamalaking manibela sa bansa.
Kung nais ng administrasyon na ipakitang seryoso sila sa kampanya laban sa droga, isa lang ang pinakamadaling paraan: maging ehemplo. Dahil sa Pilipinas, may isang batas na hindi dapat umiiral – isang batas para sa mahirap, at ibang batas para sa makapangyarihan.
Kung patas ang regulasyon para sa mga drayber, dapat patas din para kay Mr. President. Sa huli, ang tunay na lider ay hindi natatakot masuri — dahil wala siyang tinatago.






