MANILA, Philippines – Kanselado ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Quad Committee kaugnay sa drug war deaths ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na itinakda sana sa Nobyembre 21, ayon kay QuadComm lead chairman Ace Barbers.
Hindi naman tinukoy ni Barbers kung ano ang dahilan ng postponement.
Sa hiwalay na press conference, sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na pinag-uusapan pa ng mga House leader ang petsa para sa susunod na public hearing.
“We are still fixing the date, the members of the QuadComm are still in discussions so as to iron out the fine print for the next hearing,” ani Ortega.
Matatandaan na nauna nang inanunsyo ng QuadComm ang postponement ng November 13 hearing dahil sa nagpapatuloy na beripikasyon ng mga testimonya ng mga witness.
Sa kabila nito, nagpatuloy ang pagdinig dahil sa pagdalo ni Duterte na lumipad pa mula Davao City.
Sa kaparehong QuadComm probe noong Nobyembre 13, hindi humingi ng tawad si Duterte sa drug war policy at hinamon pa ang International Criminal Court (ICC) na imbestigahan na agad siya sa mga paglabag sa crimes against humanity. RNT/JGC