MANILA, Philippines – Magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan ang shear line sa extreme Northern Luzon, habang makakaapekto naman ang easterlies sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao ngayong Martes, Nobyembre 19.
Ayon sa PAGASA, ang Batanes ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may mga pag-ulan dahil sa northeasterly surface windflow, habang ang Babuyan Island ay magkakaroon din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan dulot ng easterlies.
Ang Caraga at Northern Mindanao ay makakaasa rin ng kaparehong panahon dahil sa easterlies.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorm ang iiral sa Bicol Region, Eastern Visayas at Davao Region dahil sa easterlies.
Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorm dahil sa localized thunderstorm.
Samantala, ang Severe Tropical Storm Man-Yi (o dating Pepito) ay huling namataan 570 kilometro kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 100 kilometro kada oras at pagbugso na 125 kilometro kada oras.
Nasa labas na ito ng Philippine Area of Responsibility at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras. RNT/JGC