Home NATIONWIDE DSWD: Cash aid bukas din sa middle class na dumaranas ng krisis

DSWD: Cash aid bukas din sa middle class na dumaranas ng krisis

190
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi lamang para sa pinakamahihirap ang tulong pinansyal ng gobyerno dahil maaari ring humingi ng ayuda ang mga middle-class Filipinos na dumaranas ng krisis.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ay ginawa upang magbigay ng agarang tulong sa sinumang nakararanas ng matinding problemang pinansyal, anuman ang antas ng kanilang kita.

“Akala ng maraming tao ang DSWD para lang sa mahihirap. No. Kapag ikaw ay may krisis na pinagdadaanan, kahit na anong krisis yan—medical, burial, temporary nawalan ka ng trabaho, hindi mo na mapakain pamilya mo—matungo lang kayo,” aniya.

“Kung apektado na kayo, na may mga pagbabago na sa pamilya, hunger is happening in the family, pumunta na kayo sa aming opisina,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na dadaan sa interview ng mga social worker ang mga aplikante upang matukoy kung kwalipikado sila sa cash relief assistance.

Para makapag-apply, kailangan lamang magpakita ng isang valid government-issued ID at patunay ng krisis tulad ng hospital bill, funeral contract, promissory note, o dokumento na nagpapatunay ng pagkawala ng trabaho.

Ginawa ni Gatchalian ang paglilinaw matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East na maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here