MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na isumbong ang mga indibidwal na sangkot sa ilegal na paggamit at pagbebenta ng pekeng Persons with Disabilities (PWD) ID.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, labis na ikinababahala ng ahensya ang paggamit ng pekeng PWD ID, lalo na sa sektor ng pagkain, dahil nakakasira ito sa mga lehitimong negosyo at hadlang sa pagtataguyod ng isang inklusibong lipunan.
Alinsunod sa Republic Act 10754, may mga pribilehiyo at diskwento ang PWDs upang mapabuti ang kanilang pamumuhay.
Binigyang-diin ni Dumlao na ang mga nagsasamantala sa PWD benefits ay nag-aalis ng oportunidad sa tunay na may kapansanan.
Hinihikayat niya ang publiko na magsumbong sa National Council on Disability Affairs (NCDA) sa pamamagitan ng email na [email protected] o sa kanilang social media pages. Maaari ring mag-report sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng mga lokal na pamahalaan o sa mga awtoridad.
Samantala, inanunsyo rin ng DSWD ang pagpapasimula ngayong taon ng isang unified PWD ID system na may standard na disenyo at digital na bersyon upang maiwasan ang pandaraya at masigurong ang tunay na PWDs lamang ang makakakuha ng benepisyo. RNT