Home NATIONWIDE Garin todo-depensa sa pagmaniobra sa impeachment vs VP Sara

Garin todo-depensa sa pagmaniobra sa impeachment vs VP Sara

Mariing pinabulaanan ni Iloilo First District Representative Janette Loreto-Garin ang paratang ni Davao City First District Representative Paolo Duterte na siya ang nagmaniobra ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara noong Pebrero 5.

Tinawag ni Garin ang akusasyon na “napakamalisyoso” at hinamon ang mga nagpakalat nito na humarap sa kanya.

Iginiit ni Paolo Duterte na pinangunahan ni Garin ang isang pulitikal na hakbang upang pabilisin ang impeachment sa pamamagitan ng pangangalap ng pirma at agarang pagpasa ng reklamo.

“The sinister maneuvering of certain lawmakers, led by Rep. Garin, to hastily collect signatures and push for the immediate approval and transmittal of this baseless impeachment case is a clear act of political persecution,” ani Duterte.

Binigyang-diin ni Garin na ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin bilang mambabatas sa paglagda sa impeachment complaint. Aniya, wala siyang kakayahang impluwensyahan ang kanyang mga kasamahan at dumalo lamang siya sa isang party consultation kung saan ipinaliwanag ang mga artikulo ng impeachment.

“Who am I to maneuver my colleagues? We were invited to a party consultation where officers explained the articles of impeachment. I was present, though late,” ayon naman kay Garin. RNT