MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukalang pagsingil ng congestion fee sa mga motorista na dumadaan sa EDSA upang maibsan ang trapiko.
Ang bayad ay magiging katulad ng toll tuwing rush hour.
Gayunman, nilinaw ni MMDA Chairperson Romando Artes na ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi pa tamang panahon upang ipatupad ito. Aniya, kailangang magkaroon muna ng maayos at epektibong mass transport system bago ito isakatuparan.
Tinutulan ni Senador Grace Poe ang panukala, iginiit niyang kailangang ayusin muna ang problema sa trapiko bago magpataw ng bayad. Dagdag pa niya, dapat gawing komportable at episyente ang pampublikong transportasyon upang mahikayat ang mga may-ari ng sasakyan na gumamit nito.
Nitong huli, nagpulong ang MMDA, Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Transportation (DOTr) kasama si Pangulong Marcos upang talakayin ang mga hakbang sa paglutas ng trapiko, lalo na bilang paghahanda sa ASEAN Summit sa susunod na taon. Nakatakdang simulan ang rehabilitasyon ng EDSA sa Marso, kung saan unang aayusin ang southbound lane.
Isa sa mga panukala ay ang pagtatanggal ng U-Turn slot sa C5 Kalayaan, na papalitan ng underpass na popondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Samantala, isa sa pinaka-kontrobersyal na mungkahi ay ang pagsasara ng EDSA Bus Carousel upang magbigay daan sa exclusive lane para sa mga pribadong sasakyan na may tatlong pasahero pataas. Maraming commuter ang nagpahayag ng pangamba, dahil mahalaga ang 24/7 bus lane para sa libu-libong pasahero araw-araw.
Tiniyak ng MMDA na hindi aalisin ang busway hangga’t hindi pa kayang saluhin ng MRT ang lahat ng commuter nito.
Kasalukuyan ding kinokonsulta ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan tungkol sa pagbabago ng working hours sa mga tanggapan ng gobyerno upang makatulong sa pagbawas ng trapiko. Santi Celario