Nanawagan ang City Health Services Office (CHSO) ng Baguio sa publiko na mag-ingat matapos makumpirma ang dalawang bagong kaso ng monkeypox (mpox) sa lungsod.
Ang mga pasyente, isang 21-anyos na lalaki at isang 21-anyos na babae, ay walang koneksyon sa dalawang naunang kaso noong Enero.
Nagpatingin ang dalawa sa isang ospital, kung saan kinuhanan sila ng sample mula sa kanilang mga sugat sa balat. Ang pagsusuri sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City ay nagkumpirma na positibo sila sa mpox na may Clade II strain, na hindi gaanong malubha at kapareho ng naunang mga kaso.
Kasalukuyang naka-home isolation ang mga pasyente hanggang Pebrero 16 at 14, at patuloy na mino-monitor ng mga doktor.
Samantala, pinayuhan ang kanilang mga nakasalamuha na walang sintomas na mag-self-isolate at subaybayan ang kanilang kalusugan sa loob ng 21 araw.
Dahil inaasahang dadagsa ang mga tao para sa Panagbenga Festival, pinaigting ng CHSO ang mga pangkalusugang hakbang sa pakikipagtulungan sa City Tourism Council, Hotel and Restaurant Association of Baguio, at iba pang matataong establisyimento tulad ng mga hotel, restaurant, spa, gym, salon, laundry shop, at transport hubs.
Tiniyak ng mga organizer ng Panagbenga na magpapatuloy ang mga aktibidad sa mas mahigpit na koordinasyon sa mga awtoridad pangkalusugan.
Hindi airborne ang monkeypox at pangunahing naipapasa sa pamamagitan ng matagalang malapitang kontak.
Pinapayuhan ang publiko na palaging maghugas ng kamay o gumamit ng hand sanitizer, iwasan ang direktang kontak sa balat ng may lagnat o pantal, magsuot ng long sleeves o protektibong kasuotan sa matataong lugar, at agad na magpakonsulta kung makaranas ng lagnat, pananakit ng katawan, o pantal.
Hinihikayat ang lahat ng residente at bisita na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng CHSO upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat. RNT