
AYON sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong mahigit labingdalawang milyong mga nakatatanda sa Pilipinas.
Ang paglaganap ng pekeng Person with Disability (PWD) ID ay isang seryosong suliraning dapat agarang bigyang-pansin ng pamahalaan.
Isa pang pinakamalaking isyu rin sa bansa ngayon ay ang paglaganap ng mga pekeng senior citizen ID, na isang malinaw na anyo ng pandaraya at pagsasamantala sa sistema.
Sa halip na mapunta sa tunay na nakatatanda ang mga benepisyo, may mga indibidwal na nagpapanggap at gumagamit ng pekeng senior citizen ID upang makinabang sa mga diskwento at pribilehiyong hindi naman talaga para sa kanila.
Ang senior citizen ID ay inilaan para sa mga lehitimong nakatatanda upang matulungan silang mapagaan ang kanilang gastusin sa pagkain, gamot, pamasahe, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Ngunit dahil sa mga gumagamit ng pekeng senior citizen ID, nababawasan ang pondo at oportunidad para sa mga tunay na nangangailangan. Ang mga mapagsamantalang indibidwal ay hindi lamang nandaraya kundi nagnanakaw rin ng benepisyong dapat ay para sa mga lehitimong senior citizens.
Dahil sa mga pekeng senior citizen ID, nagiging mas mahigpit ang mga establisimyento sa pagbibigay ng diskwento. Ang resulta, pati ang mga tunay na senior citizen ay maaaring mahirapang makuha ang kanilang benepisyo dahil sa labis na pagsusuri.
Ang maling paggamit ng senior citizen ID ay may epekto sa mga negosyo, lalo na sa maliliit na tindahan at botika na sumusunod sa batas sa pagbibigay ng diskwento. Ang pandarayang ito ay maaaring magdulot ng pagkalugi sa kanila.
Ang pondo ng pamahalaan para sa senior citizens ay nagiging limitado dahil may mga hindi tunay na benepisyaryong nakikinabang.
Ang senior citizen ID ay isang simbolo ng pagkilala at respeto sa ating mga nakatatanda.
Ang pagsasamantala rito ay isang malinaw na pagpapakita ng kawalan ng malasakit sa ating lipunan.
Nararapat lamang na bigyang-pansin at aksyunan ng pamahalaan at publiko ang isyung ito upang mapanatili ang integridad ng ating mga benepisyo para sa mga tunay na nangangailangan.