Home HOME BANNER STORY DSWD: Higit 4.5M indibidwal apektado ng El Niño

DSWD: Higit 4.5M indibidwal apektado ng El Niño

MANILA, Philippines- Apektado ng El Niño phenomenon ang mahigit 4.5 milyong indibidwal, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

Batay sa datos ng DSWD Disaster Response Management hanggang nitong May 18, napag-alaman na ang bilang ng mga apektadong indibidwal ay pumalo na sa 1,181,568 pamilya sa 6,017 barangay sa 14 rehiyon: Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Cordillera Administrative Region, at BARMM. 

Gayundin, sinabi ng DSWD na nabigyan na ang mga apektadong indibidwal ng P372.4 milyong tulong.

Mayroon ang departamentong P3.2 bilyong available relief resources, P607.9 milyon dito ang inilaan bilang standby funds at P2.6 bilyon naman para sa food at non-food items. 

Idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-init noong March 22, na kasabay ng El Niño phenomenon.

Naitala ang pinakamataas na heat index para sa taong 53°C sa Iba, Zambales noong April 28.

Subalit, sinabi ng state meteorologists na magiging mas madalas ang pag-ulan sa mga susunod na araw sa paglipat ng bansa sa wet season.

Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, hanggang nitong May 13, 280 lokalidad ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa matinding init. RNT/SA