Home NATIONWIDE DSWD: Higit 700K reinstated 4Ps beneficiaries makatatanggap na ng cash grant

DSWD: Higit 700K reinstated 4Ps beneficiaries makatatanggap na ng cash grant

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maibibigay na ang cash grants ng mahigit sa 700,000 reinstated household beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kasabay ng pagpapalabas ng karagdagang P5 bilyong pondo ng Department of Budget and Management (DBM).

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Asst. Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, inaprubahan at naipalabas na ng DBM ang karagdagang budget para sa mga benepisyaryo ng 4Ps na pansamantalang nahinto ang cash assistance matapos na isailalim ang mga ito sa re-assessment procedure sa pamamagitan ng Social Welfare and Development Indicator (SWDI) Tool.

Kaugnay nito, nilinaw ng tagapagsalita ng DSWD na ang karagdagang pondo ay para sa educational grants ng mga benepisyaryo na muling ibinalik sa programa.

“Nag-request po tayo para po maibigay ‘yung mga cash grants ng ating mga beneficiary na na-hold yung kanilang grants noong isinagawa natin yung re-validation. Kung matatandaan, in 2022, lumabas ang resulta ng Listahanan 3. And nakita po natin na may 4Ps beneficiaries na based on Listahanan 3 [are] no longer considered as poor. But, dahil ang Listahanan 3 was conducted in 2019 at dumaan ang pandemic in 2020 and 2021, nakita po na may mga 4Ps beneficiaries na naapektuhan din ng pandemya and this has affected their level of well-being,” ani Asst. Secretary Dumlao sa panayam sa DZXL radio.

Dagdag pa ng opisyal, matapos aniyang lumabas ang resulta ng Listahanan 3, agad ding nakatanggap ang ahensya ng mga requests for reconsideration mula sa mga beneficiaries, kung kaya’t ito ang naging basehan upang magsagawa ng revalidation sa pamamagitan ng SWDI tool.

Ang SWDI assessment ay ginagamit bilang basehan para sa mga benepisyaryo na patapos na sa programa. Ito ay base na rin sa National Advisory Council (NAC) Resolution No. 1 series of 2023 at pinapagana ng DSWD batay sa Memorandum Circular No. 19 series of 2023.

Paliwanag ni Asst Sec Dumlao, base sa set of indicators ng economic sufficiency and social adequacy, ang households ay naka-categorize sa tatlong lebel, ito ay ang level 1-survival, level 2-subsistence, at level 3-self sufficient. Ang resulta nito ay nakatutulong para malaman ang mga interbensyon na maaari pang ibigay sa mga benepisyaryo.

Binigyang-diin ni Asst. Secretary Dumlao na ang grants ay matatanggap nang retroactive o mula Enero hanggang Disyembre 2023, kung saan ang retroactive grants ay nakabase sa halaga ng bilang ng monitored children bawat household.

Sa ilalim ng programa, ang bawat household ay makatatanggap ng health and nutrition grant na P750 kada buwan, at P300 para sa education grant ng batang nagaaral sa elementarya; P500 para sa junior high school; at P700 naman para sa senior high school. Ito ay matatanggap ng mga mag-aaral sa loob ng 10 buwan. Makakatanggap din ang bawat pamilya ng halagang P600 rice subsidy kada buwan. Santi Celario