MANILA, Philippines- Itinanggi ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General Ricardo De Leon na pinilit niya at ng iba pang opisyal ang dati at mga aktibong police officials na tumestigo sa International Criminal Court (ICC) laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Inihayag ito ni De Leon nitong Huwebes matapos sabihin ni Dela Rosa na hiniling nito kasama si Senator Antonio Trillanes IV, sa presensya nina House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Rep. Zaldy Co, sa Philippine National Police (PNP) officials na maglabas ng affidavits at tumestigo sa ICC, na nag-iimbestiga sa mga pagpatay sa war on drugs ni Duterte.
Nauna nang inilahad ni Trillanes na natukoy ang incumbent senator at apat na dati at kasalukuyang police officials, na kinilalang sina dating PNP chief Oscar Albayalde, National Police commissioner Edilberto Leonardo, Police Maj. Gen. Romeo Caramat Jr., at Police Brig. Gen. Eleazar Matta na suspek sa drug war investigation ng ICC.
Sinabi ni De Leon na sinamahan niya si Caramat na makipagkita kay Romualdez “because he wanted to express his interest to be appointed the next PNP Chief.”
Nag-alok umano si Caramat, base kay De Leon, na magsiwalat ng mahalagang impormasyon ukol sa drug war ni Duterte kapalit ng kanyang appointment bilang PNP Chief.
“During our conversation, he [Caramat] offered to disclose everything he knew about extrajudicial killings and the drug war, including the list of names targeted for killing, weekly quotas, and the payment process involved in exchange for the top PNP post,” giit ni De Leon.
Tumanggi umano si Romualdez sa mungkahi ni Caramat at “made it clear that the appointment of the Chief PNP is solely the President’s prerogative and trust, and he has no influence over such decisions.”
“The Speaker also rejected Caramat’s offer to disclose information in exchange for his appointment,” anang NICA chief.
“I also deny the allegation of Sen. Bato dela Rosa that I have discussed with former Chief PNP General Oscar D. Albayalde and PBGen Eleazar P. Matta to testify in the ICC,” dagdag niya.
Si Dela Rosa ang “key figure” sa kontrobersyal na war on drugs ng dating administrasyon, na nagsilbing unang PNP chief ni Duterte. RNT/SA