TINUTULAN ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na siya ring chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pansamantalang ihinto ang paglalabas ng GL o guarantee letters na bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program na epektibo ngayong December 13, 2024.
Nauna nang sinabi ng kagawaran na ang pansamantalang suspensyon ay para mabigyang daan ang taunang liquidation at account settlement ng programa.
Wala na maaasahang ang mga pasyenteng naka-admit sa ospital na may malaking halaga na dapat bayaran ngunit naubos na ang kanilang naipon na pera kaya hindi sila pwedeng i-discharge hanggang hindi mabayaran ang kanilang hospital bill o paggagamot.
Ang DSWD ay isa sa ahensya ng gobyerno na maaasahan kaya pinupuntahan ng mga tao para humingi ng guarantee letter para sa pangbayad ng mga bill sa ospital, libing, gamot at iba pa.
Sinabi ni senator Bong Go na lubhang maaapektuhan ang mga mahihirap na benepisyaryo na nangangailangan ng tulong medikal para sa ospitalisasyon, mga gamot at iba pang medikal na pangangailangan. Hindi aniya dapat maputol ang paghahatid ng mahalagang serbisyo na para sa mga bulnerableng sektor.
Nais ng senador na imbes na ihinto ang paglalabas ng GL ay gumawa ng isang sistema ang DSWD kung saan habang isinasaayos ang financial report ay nagpapatuloy ang pagseserbisyo sa mga nangangailangan.
Walang dumalong kinatawan ang kagawaran sa pagdinig sa Senado nitong November 25, 2024 kung kaya ipinag-utos ni senator Bong Go ang paglalabas ng “show cause notices” upang pagpaliwanagin ang mga opisyal na hindi dumalo sa pagdinig.
Muli ring iginiit ni senator Bong Go ang naging pangako ni DSWD secretary Rex Gatchalian na paglalabas ng rebisyon sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) guidelines para makapagkaloob ng tulong sa mga lumalapit sa Malasakit Centers at hindi na kailangan pang magtungo sa tanggapan ng kagawaran.