MANILA, Philippines- Pinayagan ng Department of Justice (DOJ) ang kahilingan ng kampo ni dating presidential spokesperson Harry Roque na bigyan siya ng sapat na panahon para makapaghain ng counter affidavit.
Si Roque ay kabilang sa mga kinasuhan ng human trafficking kaugnay sa sinalakay na Lucky South 99 na ilegal na POGO hub na kinakatawan ni Cassandra Li Ong.
Sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na humingi ng hanggang Disyembre 3 ang abogado ni Roque para makapagsumite ng kontra salaysay.
Ayon sa DOJ panel of prosecutors, nangako ang legal counsel ni Roque na maisusumite na nila ang affidavit sa Disyembre 3.
Sinabi naman ni Clavano na maganda ring malaman kung saan magsu-subscribe ng kanyang affidavit si Roque dahil kung nag-subscribe siya rito sa Pilipinas ay nangangahulugang nandito pa siya sa Pilipinas.
“Kung wala po siyang ifa-file, then it gives more reason for us to believe that na wala na po siya dito sa Pilipinas,” dagdag ni Clavano.
Si Roque ay may arrest order mula sa House of Representative dahil sa pagtanggi nito na magsumite ng mga dokumento na magbibigay-katwiran sa paglobo ng kanyang yaman. Teresa Tavares