MANILA, Philippines – Nasa full alert ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos itaas sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano sa Albay, na nagpapahiwatig ng mas mataas na panganib ng pagsabog.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, nakikipag-ugnayan ang DSWD Field Office-Bicol (FO-5) sa mga lokal na pamahalaan at pambansang ahensya ng kalamidad, habang mino-monitor ng Quick Response Teams at Social Welfare officers ang sitwasyon.
Nakapuwesto na rin ang mga tauhan ng DSWD upang suportahan ang mga residente sa loob ng six-kilometer danger zone at naghahanda para sa posibleng ashfall, lalo na sa timog na bahagi ng bulkan.
Umiiral na ang pagpapalikas sa mga apektadong pamilya, kung saan 122 pamilya o 601 katao mula Guinobatan at Camalig ang naiulat na apektado.
May nakalaang PHP132.59 milyon ang ahensya, kasama ang 111,164 kahon ng family food packs, 16,580 ready-to-eat meals, at 15,746 non-food items, na inilagay sa 23 warehouses.
Naka-standby rin ang mobile kitchens, mobile command center, at mobile water system para agad na magamit sa relief operations. Santi Celario