MANILA, Philippines – Nagpapasalamat ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa People’s Republic of China sa pag-donate ng mga relief supplies para sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Nag-donate ang People’s Republic of China ng 28 container vans ng mga modular na tent, sleeping kits, at kitchen kits.
“Tayo po ay lubos na nagpapasalamat sa gobyerno ng China na nagpahatid ng tulong para sa mga kababayan natin na hanggang ngayon ay apektado pa rin ng lindol sa Mindanao.”
Ayon sa DSWD, makatutulong ang mga ito lalo na sa mga pamilya na hanggang ngayon ay hindi pa nakakauwi sa kanilang mga tahanan at kasalukuyang nasa evacuation centers at tent cities na itinayo ng DSWD at mga lokal na pamahalaan, ayon kay Asst. Secretary Irene Dumlao ng DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) nitong Huwebes, Hunyo 25.
Sinabi ni Dumlao, na siya ring tagapagsalita ng DSWD, na 16 na container vans ng mga donasyon ang naihatid sa DSWD Field Office (FO) 11 – Rehiyon ng Davao, habang 12 container vans ng mga donasyong produkto ang naipadala sa FO 12 – SOCCSKSARGEN.
“Bukod sa pagkain, yung mga ganito pong kagamitan ang talagang kailangan ng mga nasa evacuation center ngayon—pangluto, mga unan at kumot na magagamit pagtulog,” diin ng tagapagsalita ng DSWD.
Ayon kay Dumlao, ang DSWD, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay palaging tutulong sa mga Mindanaoan hanggang sa tuluyan silang makabawi.
Hanggang 6:00 ng umaga ng Hunyo 25, ang DSWD ay may hawak pa ring higit P5.540 bilyon na halaga ng stock ng pagkain at pondo para sa agarang pangangailangan.
May kabuuang 4,745,410 family food packs (FFPs) din na available sa mga pangunahing hub, spokes, at last-mile warehouses ng DSWD sa buong bansa. Santi Celario