JAPAN — Sinusuri ng Japan ang pagpapatupad ng dual pricing sa mga tourist sites, kung saan mas mataas ang singil sa mga dayuhan kumpara sa lokal na residente.
Nagpulong ang mga eksperto na kinomisyon ng Japan Tourism Agency (JTA) upang pag-aralan ang polisiya, na layong tugunan ang epekto ng overtourism at mapanatili ang kalidad ng mga destinasyon.
Ayon kay JTA Commissioner Shigeki Murata, dumarami ang mga lugar na nag-a-adjust ng kanilang bayarin upang masuportahan ang maintenance at pagpapabuti ng tourism services.
“In recent years, there has been a trend toward revising fees to help maintain and enhance tourism content and address overtourism,” ani Murata.
Batay sa resulta ng pag-aaral, plano ng ahensya na maglabas ng guidelines ngayong fiscal year para magsilbing gabay sa mga lokal na pamahalaan at negosyo sa tamang pagtatakda ng presyo.
Isang halimbawa nito ang Himeji Castle sa Hyogo prefecture, kung saan itinaas sa 2,500 yen ang entrance fee para sa nonresidents habang nananatiling 1,000 yen para sa mga lokal.
Layunin ng hakbang na balansehin ang pagdami ng turista at ang pangangalaga sa mga kilalang pasyalan ng bansa. RNT/JGC