Home METRO Durugistang rider timbog sa tsongki sa Comelec checkpoint

Durugistang rider timbog sa tsongki sa Comelec checkpoint

Oplus_131072

Bulacan – Arestado ang binatang motorcycle rider matapos mahulihan ng iligal na droga sa COMELEC check point sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si alyas Mark, 22, security guard, high school graduate, residente Area B, Purok 9 Brgy. BB1.

Sa report ni SJDM chief of police PLTCOL Edilmar Alviar kay Bulacan Police director PCOL Satur Ediong, naaresto ang rider bandang 11:30 ng gabi nitong January 30 sa harapan ng Brgy. Hall, Brgy. Sapang Palay Proper.

Ayon sa report, pinara ng mga pulis ang rider na walang helmet subalit imbes na huminto ito ay pinaharurot ang kanyang sinasakyang Yamaha Mio 125.

Napigilan naman ng mga parak ang tangkang pagtakas ng rider na nalamang walang driver’s license, OR/CR at may iligal na droga kalaunan kaya agad itong inaresto.

Nakumpiska sa kanya ang large block dry leaves na pinaghihinalaang marijuana na tumimbang ng 250 grams na halagang P30,000 at small zip lock dry leaves na pinaghihinalaang marijuana na may halagang P120.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. (Dick Mirasol III)