MANILA, Philippines – Inihayag ni Surigao del Norte 2nd District Representative Ace Barbers, ang overall chairman ng House of Representatives quad committee, na irerespeto nila ang desisyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung hindi dadalo sa pagdinig sa extrajudicial killings sa war on drugs ng kanyang administrasyon.
Noong nakaraang buwan, matatandaan na inaprubahan ng House quad com ang mosyon para imbitahan si Duterte sa mga alegasyon na nag-uugnay sa kanya sa mga patayan, lalo na sa pagpatay sa tatlong convicted Chinese drug lords noong 2016.
Nang tanungin kung ano ang magiging reaksyon ng quad com kung iisnabin ni Duterte ang imbestigasyon, sinabi ni Barbers na magpapaabot pa rin sila ng kortesiya sa dating Pangulo.
Nilinaw naman nito na ang kortesiyang igagawad nila kay Duterte ay hindi “special treatment,” matapos na ma-cite in contempt ang ilang resource persons na tumangging magpakita sa imbestigasyon o magbigay ng totoong sagot.
“Wala pong special treatment. Ito po ay in deference to him being the former president,” ani Barbers.
“Sa aming palagay karapatan po niya ‘yan at inirerespeto namin,” dagdag pa ng mambabatas.
Si Duterte at iba pang mga opisyal ng kanyang administrasyon ay iniimbestigahan na ng International Criminal Court (ICC) kaugnay pa rin sa mga umano’y crimes against humanity, na may kinalaman pa rin sa mga pagkamatay sa drug war sa mga operasyon ng pulis nang siya pa ang namumuno.
Sa rekord ng pulisya ay umabot sa 6,000 ang napatay, ngunit iginiit ng human rights groups na posibleng aabot pa ng hanggang 30,000 ang mga napatay sa drug war, kabilang ang vigilante killings na polisiya ni Duterte. RNT/JGC