Home NATIONWIDE Estrada sa solons: P2B badyet ng OVP sa 2025, ibalik

Estrada sa solons: P2B badyet ng OVP sa 2025, ibalik

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Jinggoy Estrada nitong Sabado, Setyembre 14 ang mga mambabatas na ibigay na ang hinihiling na P2 bilyong badyet ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025 para sa maayos na operasyon nito.

“Paano naman magpa-function ang OVP kung tatapyasan mo ng pondo? Remember, she is the second highest official of the country and she deserves some respect and dignity,” ani Estrada sa panayam sa radyo.

“Palagay ko naman majority of the senator will agree na kailangan irestore,” dagdag pa niya.

Ang pahayag ni Estrada ay kasunod ng pagrekomenda ng House panek na tapyasan ng P1.29 bilyon ang badyet ni Vice President Sara Duterte para sa kanyang opisina.

Ipinaliwanag ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina Representative Stella Quimbo na ang desisyon ay dahil sa kakulangan ng impormasyon sa proposal.

Ani Estrada, tama lamang na busisiin ang proposed budget, ngunit idinagdag na kailangan din itong ‘justified.’

“I don’t see anything wrong about it as long as it is justified. But if they can’t justify, kailangan manghimasok na kami.”

Samantala, sinabi ni Senador Francis Tolentino na ang diskusyon kaugnay sa OVP budget ay dedepende sa plenaryo.

“Kung magkatugma [o] hindi magkatugma sa desisyon ng mababang kapulungan, ito na yung pagpasok sa bicameral conference committee, pa-plantsahin yun doon kung ano talaga yung budget na maaprubahan,” ani Tolentino.

Noong Miyerkules, sinabi ni Duterte na handa pa rin siyang magtrabaho kahit “zero budget” kasabay ng mga usap-usapang hindi bibigyan ng pondo ang OVP, o kaya naman ay babawasan ng matindi ang kanyang badyet.

“Handa kami. Handa ako sa Office of the Vice President na mag-trabaho kahit walang budget. Maliit lang ‘yung opisina namin. Maliit lang ‘yung operations namin kaya kayang-kaya namin na mag-trahabo kahit walang budget,” ani Duterte. RNT/JGC