Home NATIONWIDE Duterte Youth umalma sa DQ petiton

Duterte Youth umalma sa DQ petiton

MANILA – “Baliw ba kayo? Ikatlong eleksyon na namin ito.”

Ito ang naging pahayag ni Duterte Youth party-list former nominee Ronald Cardema sa petisyong inihain ng youth group Kabataan Tayo ang Pagasa sa Commission on Elections na aksyunan ang petisyong inihain nito ilang taon na ang nakalilipas na idiskwalipika ang Duterte Youth.

Sa pahayag sa Kamuning Bakery Cafe forum, itinanggi ni Cardema ang mga alegasyong hindi rehistrado ang Duterte Youth sa Comelec. Aniya, plano niyang kasuhan ang Kabataan members dahil sa “malicious statements” na nagsasabing ang Duterte Youth ay isang pekeng party-list at wala umano siyang planong pagsilbihan ang youth sector.

“Una, kung hindi kami rehistrado, wala kami sa balota…Kaya lang nagwawala ang Kabataan kasi mataas kami sa survey. Hao shao ang mga allegations, kayang sagutin ng hindi abogado,” aniya, tinutukoy ang pinakabagong Social Weather Stations survey sa party-list candidates.

Binanggit niya na naibasura na ng Supreme Court ang petisyong kumukwestiyon sa Comelec ruling na pumapayag sa kanyang asawa na si Ducielle Cardema, na palitan siya bilang first nominee ng Duterte Youth. Kasunod ito ng pagkansela ng First Division ng Comelec sa nominasyon ni Cardema, sinabing hindi siya kwalipikadong maging party-list nominee ng youth sector.

Sinabi ni Cardema, dating chairman ng National Youth Commission, na ang grupo ang tanging party-list na nagsulong na ibalik ang capital punishment para sa rapists, drug lords at corrupt politicians. 

Nagmartsa ang mga miyembro ng Kabataan sa harap ng Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila nitong linggo bago maghain ng urgent motion na resolbahin ang petisyong inihain nito noong September 3, 2019 na kanselahin ang rehistrasyon ng Duterte Youth at ideklara itong null and void.

“Dapat ang ating mga kumakandidato ngayon, respetuhin ang election process sapagkat hindi po mockery ang election process. Ito po ay pag-uphold ng democratic right ng mga kabataan at mamamayan. At ang ginagawa ng Duterte Youth ay binubusabos niya, mina-mock niya ang karapatan ng mamamayang Pilipino bilang hindi lehitimong representasyon ng mga kabataan sa Kongreso,” giit ni KTAP national convenor Brell Lacerna. 


“Gusto naming ipa-disqualify ang buong Duterte Youth Party-list. Ang reason nito behind is yung material misrepresentation na nagsinungaling ang Duterte Youth Party-list sa sworn statement na si Ronald Cardema ay legitimate representative ng kabataan – that time siya ay overaged na,” ayon naman sa isa sa mga orihinal na petitioner na si Ross Angcos. RNT/SA