MANILA, Philippines- Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang hirit ng University of the Philippines (UP) Manila – Philippine General Hospital (PGH) na lumikha ng 1,224 karagdagang posisyon upang palakasin ang umiiral na medical at support staff ng pangunahing government hospital ng bansa.
Sa media release nitong Huwebes, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na bibigyang-daan ng karagdagang manpower ang PGH “to continue to stand as a beacon of medical excellence in the country.”
“Alinsunod po ito sa direktiba ng ating Pangulong Bongbong Marcos na mabigyan natin ng mas mahusay at maasahang serbisyo ang mga kababayan nating nangangailangan,” wika ni Pangandaman.
Ang UP-PGH ay isang Level III general hospital na may 1,334 bed capacity.
Base sa DBM, isusulong ang paglikha ng karagdagang posisyon sa apat na tranches, simula sa unang quarter ng 2025, ika-apat na quarter ng 2025, at sa 2026 at 2027. RNT/SA