MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga motorista na maaari nilang gamitin ang kanilang electronic o e-driver’s license bilang kapalit ng physical license at magbayad ng traffic violations online.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, sa ilalim ng DOTr Department Order No. 2023-015 na inilabas noong 2023, dapat tanggapin ng mga LTO law enforcement officers at kanilang deputized agents ang e-driver’s license bilang valid na awtorisasyon at pagkakakilanlan sa pagmamaneho.
“Halimbawa, kahit wala kang physical card pero may e-driver’s license ka at nahuli sa traffic violation, ipapakita mo lang ito sa enforcer sa pamamagitan ng LTMS portal, at ito ay katanggap-tanggap,” ani Lopez.
Dagdag pa niya, maaari ring magbayad online ang mga motorista gamit ang kanilang Temporary Operator’s Permit (TOP) kung sila ay nasangkot sa traffic violation.
“Ang TOP ang magsisilbing batayan ng penalties at fines, at maaari na itong gamitin para sa online payment. Ito ay bahagi ng hakbang ng gobyerno para magbigay ng maginhawa at totoong serbisyo publiko,” paliwanag niya.
Ang e-driver’s license ay maaaring makuha sa pag-apply o pag-renew ng lisensya sa pamamagitan ng LTMS portal, at ma-access rin sa LTMS o sa eGovPH Super App. RNT/MND