Home NATIONWIDE Economic experts, business groups imbitado sa Cha-cha hearing ng Senado– Angara

Economic experts, business groups imbitado sa Cha-cha hearing ng Senado– Angara

MANILA, Philippines – Inimbitahan ng Senado ang ilang kinataan ng malalaking grupo ng negosyo sa bansa kabilang ang eksperto sa ekonomiya na dumalo sa pagpapatuloy ng public hearing ng Senate subcommittee sa susunod na linggo upang ibahagi ang kanilang expert opinions sa panukalang amendahan ang sinasabing “restrictive” economic provisions ng 1987 Constitution.

Ayon kay Senador Sonny Angara, nangunguna sa Subcommittee on Constitutional Amendments and Revisions of Code, na inaasahan ng panel ang kinatawan ng Makati Business Club, Philippine Chamber of Commerce and Industry, at Management Association of the Philippines, upang magbigay linaw sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa at pagbubukas sa foreign investment.

Nakatakdang ipagpatuloy ang public heating bukas, Lunes, Pebrero 12.

“Sila yung mga sanay makipag-usap sa investors,” ayon kay Angara na nagpahayag ng paniniwalang makatutulong ang resource persons sa grupong ito sa subcommittee na gumawa ng informed decision sa isyu.

Pinalawak ng pagtiyak ni Angara ang diskusyon sa Resolution of Both Houses (RBH) 6 na tanging economic provisions ang tatalakayin na nakakasagabal sa pagpasok ng foreign investments.

Isa si Angara kasama sina Senate President Miguel Zubiri at Senate Pro Tempore Loren Legarda, bilang awtor ng RBH 6, na naglalayong amendahan ang tatlong constitutional economic provisions na may kaugnayan sa public service, education at advertising.

Naniniwala si Angara na dapat may ilang flexibility sa naturang economic provisions ng Constitution upang payagan ang bansa na makahabol sa pandaigdigang takbo ng ekonomiya.

“Hindi tayo pwedeng sumabay sa kilos o hugis ng pandaigdigang ekonomiya. Yung ibang bansa nagpapasa lang sila ng batas, nagpapasa sila ng polisiya, tayo mag-aamyenda pa tayo ng Saligang Batas to adjust to economic trends worldwide,” aniya saka inulit na tanging pag-aamyenda sa ilang economic provisions ang nakatakda sa panukalang Charter change o Cha-cha.

Isinisisi ng ilang proponents sa mahinang pagpasok ng foreign direct investment (FDI) sa ilang restrictive at non-investor-friendly economic policies ng Constitution, habang itinuturo naman ng opponents ang corruption, red tape at mataas na halaga ng pagnenegosyo ang hadlang.

Noong nakaraang linggo, inimbitahan ng Senate panel ang ilang legal luminaries tulad nina dating Chief Justice Hilario Davide, Associate Justice Adolf Azcuna, Associate Justice VV Mendoza at dating Commission on Elections Chairman Christian Monsod, na pawang constitutional experts.

Inihayag pa ni Angara na ilang legal experts pa ang inaasahang dadako sa mga susunod na pagdinig na gaganapin kada linggo.

Ilan sa inaasahang dadalo sa pagdinig sa mga susunod na araw ang kinatawan ng legal community na pawang miyembro ng 1986 Constitutional Commission, kabilang sina Commissioner Rene Sarmiento, dating Chief Justice Ricardo Puno, dating Justices Antonio Carpio at Artemio Panganiban, at propesor ng Constitutional Law mula sa University of the Philippines at Ateneo De Manila.

Imbitado rin ang ilang nagsulat ng 1987 Constitution. Ito ay sina Dr. Bernardo Villegas, Florangel Rosario Braid, at Ricardo Romulo.

Magsasalita naman sa economic aspects sina National Scientist Dr. Raul Fabella, Emmanuel Maceda, at Dr. Joseph Angeles.

“Future hearings will include a specific session dedicated to the proposed changes to address the barriers to foreign investment to the education sector,” ani Angara. Ernie Reyes

Previous article9 araw na pagpapatrolya sa Bajo de Masinloc, nakumpleto na
Next article2 pulis sa Isabela, nagpaanak ng buntis