MANILA, Philippines – Binisita nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa Lumbia Air Base sa Cagayan De Oro nitong Sabado, Nobyembre 30 para inspeksyunin ang nagpapatuloy at mga planong developments.
Inikot ng mga opisyal ang air base, kung saan itatayo ang mga pasilidad tulad ng air traffic control tower at Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) warehouse.
“Magiging base rin ito for Northern Mindanao disaster relief operations. May runway na tayo, secured ‘yong runway at pinalalakihan natin ang rampa ng sa gano’n ay may bagsakan ng goods and services,” ani Teodoro, kung saan iginiit nito ang kahalagahan ng site sa mabilis na pagtugon sa mga kalamidad sa rehiyon.
Ang Lumbia Air Base ay isa sa mga unang limang EDCA sites na itinalaga para sa pagpapaunlad ng disaster response at defense capabilities.
Pinondohan ng Estados Unidos ang proyekto na kabilang sa scope ng Mutual Defense Treaty.
Pinapayagan ng kasunduan ang US na pondohan ang konstruksyon ng mga pasilidad na pinayagan ng dalawang bansa.
Iginiit ni Teodoro ang tungkulin ng EDCA site sa pagpapabuti ng disaster readiness ng bansa.
“Papaspasan namin ‘yong pag-develop rito kasi kailangan lumipat ang 15th Strike Wing rito. Ito ang home ng 15th Strike Wing. Magiging maintenance base ng 15th Strike Wing, magiging training base ng 15th Strike Wing. At dito ibabahay ang kanilang mga assets.”
“Unang-una ‘yong strategic location, we are almost in the center. ‘Yong connectivity nito with different areas here in Mindanao and at the same time it’s near to the port area na kung saan another naval base will be established,” ayon kay Colonel Xerxes Trinidad, hepe ng AFP Public Affairs Office.
Inaasahang makukumpleto ang proyekto sa 2026. RNT/JGC