Home OPINION EDSA @40, PANAHON NA PARA SA TUNAY NA REPORMA

EDSA @40, PANAHON NA PARA SA TUNAY NA REPORMA

231
0

HINDI mahirap ang Pilipinas. Sa katunayan, mayaman ang bansa sa hilaw na materyales, likas na yaman, at maging sa produktong likas. Ngunit sa kabila ng yaman na ito, nananatili ang kakulangan sa tulong at batayang serbisyo para sa mamamayan.

Ayon sa mga eksperto, ang ugat ng problemang ito ay ang matagal na isyu ng korapsyon at katiwalian sa pamahalaan.

Paulit-ulit ang mga iskandalo, mula sa pork barrel scandal hanggang sa kasalukuyang flood control ghost projects, na nagpapakita ng pagsasamantala ng ilang nasa burukrasya sa pondo ng bayan. Dahil dito, patuloy na nagdurusa ang karaniwang Pilipino at nananatiling malayo ang pag-unlad sa ating lipunan.

Hindi dapat tradisyon lamang ang halalan tuwing tatlo o anim na taon. Ito ay dapat maging makabuluhang pakikibakang-elektoral kung saan pipili ang mamamayan ng mga tunay na kandidato at lingkod-bayan na may puso at malasakit sa sambayanan. Mahalaga na maipaliwanag sa publiko ang alternatibong lider na magdadala ng reporma sa pamamahala at magpapatupad ng transparency at accountability.

Sa kasalukuyan, karamihan ng nananalo sa halalan ay yaong mayamang kandidato, sikat sa showbiz, o mula sa mga kilalang angkan ng politikal na dinastiya. Iilan lamang ang pangkaraniwang tao o mula sa partylist groups ang nagtatagumpay na makapaglingkod sa Kongreso, at mas kakaunti pa sa Senado ang tunay na nakatitindig para sa batas na makabubuti sa mamamayan at sa pambansang interes.

Bilang mga Pilipino, mahalagang magmulat, mag-aral, at matuto upang makilala at masuportahan ang mga alternatibong lingkod-bayan na may puso at malasakit. Ang pagpili ng ganitong lider ay susi upang maipatupad ang tunay na reporma, labanan ang korapsyon, at linisin ang pamahalaan.

Apatnapung taon matapos ang EDSA People Power Revolution, napapanahon na ang pagkakaroon ng mga lider na hindi lamang simbolo ng halalan kundi tunay na tagapagpatupad ng reporma. Ang tamang pamumuno ay magsisiguro na hindi masasayang ang ipinaglaban sa EDSA at magdadala ng makabuluhang pagbabago para sa ating bansa

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here