MANILA, Philippines – Maagang nag-inspeksyon ang mga top officials ng Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga miyembro ng Move As One Coalition (MAOC) sa EDSA noong Lunes, Disyembre 9.
Nilakad nila ang humigit-kumulang 4.4 kilometro mula Ayala Avenue sa Makati hanggang Roxas Boulevard sa Pasay.
Nagtipon ang mga grupo sa One Ayala at sinimulan ang walkthrough bandang 6 a.m., na natapos pagkatapos ng halos dalawang oras.
Layunin ng aktibidad na suriin ang kalagayan ng pedestrian, commuter, at active transport sa pangunahing kalsada ng Metro Manila.
Habang naglalakad, nakita ng mga opisyal ang maraming obstruction at panganib tulad ng lubak-lubak na daan, basura, at sidewalk na “hindi kaaya-aya” para sa pedestrians at persons with disabilities (PWD).
Napansin din ang mga PWD ramps na masyadong matarik, barado, o hindi maayos ang disenyo.
“Sa unity walk na ito, pakiramdam ko mandirigma ako. Napakahirap at napakadelikado ng ating sidewalk,” ayon kay DOTr Secretary Giovanni Lopez.
“Nakaka-stress. Tagal-tagal nang ganito; ang dami nang nagrereklamo pero walang nangyayari. Sabi ng Pangulo, gawin na natin itong pedestrian- at commuter-friendly,” dagdag ni DPWH Secretary Vince Dizon.
Inanunsyo ng DPWH na magsisimula ang renovation works sa EDSA pagsisimula ng 2026, na tututok sa pagpapabuti ng walkway upang gawing mas ligtas at accessible.
Sinabi rin ni Dizon na maaari pang bumaba ang dating tinatayang P15-billion na budget kung mas mapapabilis ang trabaho.
Malugod na tinanggap ng Move As One Coalition ang inspeksyon ngunit binigyang-diin na kailangan ng pangmatagalang solusyon na nakasentro sa tao.
Ayon kay MAOC consultant Dinna Dayao, dapat unahin ang walking, cycling, at light electric vehicles upang mas maging ligtas at episyente ang paggalaw ng mga tao sa EDSA.
Tinukoy rin niya ang lumiliit na sidewalk, kakulangan ng PWD ramps, at bike lanes na pintura lang na madalas marumi at puno ng basura.
Nanawagan din ang DOTr ng kooperasyon mula sa publiko, na sinabing hindi kakayanin ng gobyerno mag-isa ang pagpapabuti ng EDSA.
“Umaasa pa rin akong maaayos natin ito. Kailangan ng tulong ng lahat ng ahensya at disiplina ng drivers at commuters. Hindi kaya ng gobyerno ito nang mag-isa,” ani Lopez. RNT/MND