Home TOP STORIES Reporma, panibagong pamumuno sa gobyerno itinutulak ng Pangulo

Reporma, panibagong pamumuno sa gobyerno itinutulak ng Pangulo

253
0

IPINAHAYAG ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na ang lider na inuuna ang repormang matagal nang ipinaglalaban ng taumbayan kung saan kabilang dito ang anti dynasty bill, ang pagreporma sa party list system, ang paglikha ng Independent People’s Commission, at mas malinaw na akses ng publiko sa paggastos ng gobyerno ay isang uri ng lideratong inuuna ang bayan bago ang pulitika.

Ang pahayag ni Goitia ay matapos hilingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na unahin ang mga nasabing reporma na layongnituwid ang mga kahinaang paulit ulit na nakikita sa pamahalaan at maglatag ng panibagong gobyerno na mas bukas, mas tapat, at mas nakatuon sa mamamayan.

“Hindi nabubuo ang reporma kung walang tapang. Madaling umiwas, ngunit mas mahirap ang kumilos para sa bayan—at ito ang ginawa ng Pangulo,” ani Goitia.

Ayon kay Goitia, kasama rin sa direktiba ang pagreporma sa party list system dahil sa paglipas ng panahon ay lumayo ang sistema sa intensyon nitong tulungan ang mga nasa laylayan.

Ayon kay Goitia, ang pagkukumpuni sa sistemang ito ay mahalaga upang maibalik ang tiwala ng publiko at magkaroon ng mas patas na pulitika.

Binibigyang diin din umano ng Pangulo ang kahalagahan ng transparency, lalo na sa paggastos ng gobyerno. Hakbang ito tungo sa pamamahala na hindi lamang nakikita kundi nauunawaan ng publiko.

Ayon pa kay Goitia, sa kabila ng ingay at intriga ay nanatiling nakatuon ang Pangulo sa matatag na pagpapatupad ng reporma. Hindi siya nagpasilaw sa politika.

Pagod na umano ang maraming Pilipino sa lumang takbo ng politika. Kaya ang panawagan ng Pangulo para sa reporma ay nagbubukas ng bagong yugto ng pag asa at pagkilos.

“Ang tunay na pamumuno ay hindi nasusukat sa kung gaano kadali ang sitwasyon. Nakikita ito sa tapang na harapin at ayusin ang mga problemang matagal nang pinabayaan. Sa pagtulak ng Pangulo sa mga repormang ito, malinaw ang kanyang malasakit sa bansa,” ani Goitia.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations:
Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD),
People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER),
Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at
Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement,
na nagtataguyod ng katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here