Home METRO EDSA-Kamuning flyover southbound madaraanan na

EDSA-Kamuning flyover southbound madaraanan na

MANILA, Philippines- Muling binuksan sa mga motorista ang EDSA-Kamuning flyover – southbound lanes nitong Huwebes matapos isara ng tatlong buwan dahil sa retrofitting works.

Bandang alas-6 ng umaga, tinanggal ang barriers at naglagay ng mga poster upang abisuhan ang mga motorista na lahat ng uri ng sasakyan ay maaari nang dumaan sa lanes, ayon sa ulat.

“Maaga po itong mabubuksan, two months ahead of schedule para madaanan na po ng ating mga kababayan,” pahayag ni MMDA chairperson Romando Artes.

Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na naabot na ng flyover ang pamantayan upang kayanin ang posibleng “Big One” earthquake.

Bagama’t mas maaga ng dalawang buwan ang pagbubukas ng EDSA-Kamuning flyover kumpara sa target schedule, inihayag ng MMDA at DPWH officials na may kailangan pang gawin sa ilalim ng flyover sa mga susunod na linggo.

“Mas marami po tayong gagawin sa ilalim,” pahayag ni DPWH – National Capital Region director Lorie Malaluan.

“Tapos na po ang paglalagay ng mga carbon fiber sheet. Ngayon po, ilalagay natin yung chain-type na restrainers para po masiguardo na during malakas na earthquake ay hindi hihiwalay yung substructure sa superstructure po nitong tulay na ito,” patuloy niya.

Iminungkahi rin ang paglalagay ng aspalto sa flyover upang patagin ito.

Isinara ang EDSA-Kamuning flyover – southbound lanes noong Mayo 1, 2024.

Dahil dito, kinailangang dumaan ng mga motorista sa mga alternatibong ruta. RNT/SA