MANILA, Philippines – Sa 2026 na gagawin ang rehabilitasyon ng EDSA at implementasyon ng odd-even scheme, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Huwebes, Hulyo 3.
Ayon sa ulat, sinabi ng DPWH na ang EDSA rehabilitation ay magsisimula sa susunod na taon dahil nagsimula na ang tag-ulan at pagkatapos nito ay ang Christmas rush sa panahon ng “Ber” months.
“If we have the space early next year, then we can start. Some of the sections na hindi most traveled, and that will not affect substantially the traffic movement,” pahayag ni DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Idinagdag pa niya na tumitingin ang DPWH ng iba pang mas mainam na paraan at teknolohiya para sa rehabilitasyon ng 23.8 kilometrong haba ng kalsada.
Sa orihinal na plano, isasagawa ang reconstruction ng EDSA lane-by-lane at papalitan ito ng mga bagong kalsada.
Ang buong proyekto ay gagastos ng mula P8 hanggang P17 bilyon.
Sa kabila nito, pinag-aaralan ng DPWH ang “time and motion” process kung saan ang layer ay ilalagay sa taas na kasalukuyang surface ng EDSA.
“It looks promising. We are not going to scarify it anymore. We’ll just put it on top but we have to stabilize it properly. Tataas ng konti yung EDSA. hindi naman gaano mataas,” ani Bonoan.
Tuwing gabi rin umano gagawin ang roadwork ngunit kailangan pa rin ipatupad ang odd-even scheme upang mabawasan ang dami ng mga sasakyan.
Ipapasa ng DPWH ang rekomendasyon ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa oras na maisapinal na ang teknolohiya na gagamitin para sa EDSA rehabilitation.
Samantala, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ipagpapatuloy nito ang planong pagdaragdag ng mga bus sa EDSA busway.
Pinag-aaralan din na ang operation hours ng MRT-3 ay magsimula ng mas maaga. RNT/JGC