MANILA, Philippines – Dalawang indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa paglabag sa “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act”.
Kinilala ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago ang mga suspek na sina Ace Dela Cruz at Reginald Ventura Llanto.
Nag-ugat ang kaso sa impormasyon na natanggap ng NBI-CAVIDO North sa umano’y pagbebenta at distribusyon ng vaporized nicotine at non-nicotine products na hindi compliant sa registration requirements na nakapaloob sa RA 11900.
Nang maglabas ng sertipikasyon ang Department of Trade and Industry Office for the Special Mandate on Vaporaized Nicotine and Non-Nicotine Products na ang mga vape products na isinumite ay unregulated at substandard, agad na nagsagawa ng entrapment operation kasama ang DTI.
Nasamsam sa operasyon ang 49 master cases na naglalaman ng 8,200 piraso ng vape pod at 1,600 piraso ng vape device bukod sa iba pa.
Sa inventory na isinagawa ng NBI-CAVIDO-North at DTI, nalaman na umabot sa kabuuang P3,920,000 ang halaga ng nasabing produkto.
Ang mga suspek ay ihaharap sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor’s Office. Jocelyn Tabangcura-Domenden