MANILA, Philippines – Nakatakdang makakuha ng pinakamalaking budget sa proposed 2026 budget ng Department of Budget Management (DBM) ang sektor ng edukasyon.
Ito ay matapos na taasan ang budget nito sa P1.2 trilyon.
Nitong Miyerkules, Agosto 13 ay itinurn-over na ng DBM ang P6.793 trilyong NEP sa Kamara na isasailalim sa deliberasyon sa susunod na buwan upang likhain ang sarili nitong General Appropriations Bill (GAB) bago matapos ang taon.
Kung maisasabatas, ang proposed P1.2 trilyon budget para sa education sector ay pasok sa rekomendasyon ng Unite Nations na maglaan ng 4-6 percent mula sa gross domestic product ng bansa.
Kabilang sa budget ang P928.5 billion alokasyon sa Department of Education (DepEd), o 18.7 percent na pagtaas sa P782.2 billion alokasyon sa 2025 national budget; P134.9 bilyon para sa state universities and colleges (SUCs); P33.9 bilyon para sa Commission on Education, at P20.2 bilyon para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ipinanukala rin ng DBM ang pagtataas ng budget ng 3.2 percent para sa teaching allowances, mula sa P9.9 bilyon ay gagawing P10.3 bilyon para sa School Year 2026.
Malaki rin ang makukuhang badyet ng DepEd Computerization Program, na matatandaang nakaranas ng P10 bilyong budget cut noong nakaraang taon at ngayon ay bibigyan ng P16.5 bilyong pondo.
Sakop nito ang pagbili ng mahigit 48,000 laptops para sa teaching personnel at internet sa mahigit 3,200 paaralan.
Noong nakaraang taon ay nasapul ang education sector ng last-minute realignments mula sa bicameral conference committee, kung saan tinapyasan ng P12 bilyon ang DepEd, at P14.5 bilyong budget cut naman sa mga SUC na malinaw na paglabag umano sa mandato ng konstitusyon na isaprayoridad ang edukasyon sa national budget. RNT/JGC