Home HOME BANNER STORY Eksperto sa publiko: FLiRT Covid-19 variants ‘di gaanong mapanganib sa kalusugan subalit...

Eksperto sa publiko: FLiRT Covid-19 variants ‘di gaanong mapanganib sa kalusugan subalit manatiling alerto

MANILA, Philippines- Nagpapakita ang mga bagong variant ng COVID-19 na KP.2 at KP.3, na mas kilala bilang “FLiRT,” ng “mababang panganib” sa kalusugan ng publiko, sabi ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante noong Huwebes, ngunit pinayuhan din niya ang publiko na manatiling mapagbantay at protektahan ang kanilang sarili.

Sinabi ni Solante, nagsisilbi rin bilang presidente ng Philippine College of Physicians, na maaari ding malagay sa peligro ang kahit na mga normal na indibidwal dahil ang mga nakaraang bakuna laban sa COVID-19 vaccines na ginamit sa bansa ay hindi na makapagbibigay ng malaking proteksyon laban sa mga mas bagong strain ng coronavirus.

Ayon kay Solante, may mga ginawang reformulated COVID-19 vaccines na makatutulong sa pagprotekta laban sa mga bagong variant na ito, ngunit hindi pa ito available sa Pilipinas.

Sa pagbanggit sa datos mula sa World Health Organization (WHO), sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes na mayroong tatlong bagong variant ng COVID-19 na sinusubaybayan: JN.1.18; KP.2; at KP.3.

Lahat ng ito ay sibol mula sa JN.1 na isang variant of interest.

Gayunman, kailangan pa rin umanong matukoy ang kanilang transmissibility at kapasidad na maiwasan ang immune response.

Sinabi ni Solante na ang vulnerable individuals na may mababang immune response ay may potensyal na makakuha ng severe infection sakaling masapul sila ng FLiRT variants.

Dahil dito, kailangan pa ring magsuot ng face mask sa matataong lugar at kumonsulta sa healthcare professional kapag may nararanasang respiratory symptoms.

Nauna nang sinabi ng DOH na lahat ng rehiyon sa bansa ay nanatiling low risk para sa Covid-19 sa kabila ng “bahagyang” pagtaas sa mga kaso na naoobserbahan at bagong variants na nasusubaybayan.

Sinabi rin ni Health Secretary Ted Herbosa noong Miyerkules na hindi siya magrerekomenda ng anumang border control o travel restrictions sa gitna ng naiulat na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa Singapore. Para kay Solante, ang naturang uptick ay “pansamantala” lamang at samakatuwid ay hindi dapat magdulot ng alarma sa publiko.

“Hindi tayo dapat ma-alarma because this is just an ordinary uptick. Ibig sabihin, hindi ito magtu-tuloy tuloy na talagang lumalago ang infection, hindi kagaya nung 2021 or 2020,” ani Solante. Jocelyn Tabangcura-Domenden