MAKARAAN dalawang sunod na pagkatalo, muling nagtagumpay ang Rain or Shine Elasto Painters sa pinakamahusay na paraan sa PBA Season 49 Commissioner’s Cup.
Ito’y matapos padapain ng Elasto Painters ang dating nangungunang koponan na NorthPort Batang Pier, 127-107, sa PhilSports Arena sa Pasig City. Sa panalong ito, nakamit nila ang kanilang ikaanim na tagumpay sa siyam na laro.
Sa locker room bago magsimula ang laro, pinaalalahanan ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao ang kanyang koponan na huwag nang dalhin ang bigat ng sunod-sunod na pagkatalo.
Kaya nagsimula nang maayos ang Elasto Painters, nagtala ng 33-18 na kalamangan sa unang quarter. Sa pagkakataong ito, hindi na nila hinayaan makabawi ang Batang Pier.
Pitong manlalaro ng Rain or Shine ang nagtala ng double-digit scoring, sa pangunguna ng kanilang import na si Deon Thompson na nag-ambag ng 27 puntos, 11 rebounds, at dalawang blocks.
Nagbigay ang mga lokal na sina Adrian Nocum at Santi Santillan ng tig-16 puntos habang si Andrei Caracut ay may 13 puntos, Anton Asistio ay nagdagdag ng 12, Keith Datu ay may 11, at ang beteranong si Beau Belga ay nag-ambag ng 10 puntos.
Sa kabila ng malaking effort ni NorthPort import Kadeem Jack na nagtala ng 39 puntos at 11 rebounds, hindi pa rin nila napigilan ang malaking pagkatalo kaya’t nalugmok sila sa record na 7-3.
Magkakaroon ng anim na araw na pahinga ang Elasto Painters bago harapin ang Barangay Ginebra Gin Kings sa Enero 22. Samantala, may pagkakataon ang Batang Pier na makabalik sa winning column laban sa San Miguel Beermen sa Enero 21. GP