TILA nagkaroon ng panibagong sigla ang kampanya ng Magnolia Hotshots sa PBA Season 49 Commissioner’s Cup matapos ilampaso ang Phoenix Fuel Masters, 110-104, sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sa tagumpay na ito, naputol ng Hotshots ang two-game winning streak ng Fuel Masters at napanatili ang kanilang tsansa na umabante sa torneo.
Aminado si Coach Chito Victolero na kailangan nila ng mga manlalaro na maaaring pumuno sa kawalan ng ace guard na si Paul Lee na kasalukuyang nagpapagaling mula sa injury.
Isa sa mga tumindig sa pagkakataon ay si forward Zav Lucero, na nanguna sa Magnolia sa pamamagitan ng 25 puntos, kabilang ang 3-of-6 mula sa tres, limang rebounds, dalawang assists, at isang block.
Nagpakitang gilas si Lucero sa ikaapat na quarter, kung saan kumamada siya ng dalawang sunod na tres mula sa corner upang mapanatili ang kalamangan ng Magnolia.
Binanggit din ni Victolero si Peter Alfaro, na nag-ambag ng 14 puntos, apat na assists, at tatlong rebounds, bilang isa pang mahalagang bahagi ng kanilang panalo.
Makakaharap naman ng Magnolia, may 4-6 win-loss record, ang Eastern sa Enero 26.
Samantala, susubukan ng Phoenix (3-6) na makabalik sa winning column laban sa NLEX sa Enero 19.GP